Goodbye Betas! Hello Kinis!
Isa sa pinakamahirap yata na matutunan sa wood working ay ang finishing. Nakaka-ASAR. Kayang-kaya nating simulan pero hindi natin kayang tapusin. Sobrang daming paraan na ang naririnig natin mula sa kung sino-sinong mga maestro pero bakit pagginagawa natin hindi natin magaya? Sa totoo lang, ubra naman lahat ng mga paraan nayan eh. Yung iba lang talaga madaling sumuko. ..pero mayroon din naming iba na nagsasaliksik at pinag-aaralan paano baa ng pinakamabilis, pinakamura at pinakaepektibo.
Noong nagsisimula akong mag-finish ng sarili kong trabaho, dumadating sa punto minsan na niloloko ko na ang sarili ko pag sinasabi kong okay yung gawa ko. Maganda. Pero bago ako matulog naiisip ko na may igaganda pa yun kung may magtuturo lang sa akin. nung panahon ko na nagsisimula lahat ng tanungin ko na barnisador sasabihin lang sa akin “ganito lang yan” pero ayaw naman talaga ituro. Lagi bang bitin. Kaya ayun, pinag-aralan ko ng husto. Mahal din inabot ng tuition ko mula sa mga hardware at paint s na binibilihan ko ng kung anu-anong mga sangkap para maging world-class ang finishing ko.
Ang una sa lahat na kailangan natin matutuhan ay kung paano ba isasara ang mga betas ng kahoy. Plywood at plyboard na yata ang pinakamahirap sa lahat, dahil consistent ang mga betas nito. Ito ay dahil sa process ng pagkakagawa sa mga engineered boards na ito. Oo tama ang nabasa ninyo. Engineered din ang mga plys. Man made kasi yan. Hindi ka naman pwede pumunta sa Department of Agriculture para bumili ng binhi ng plywood eh.
Sabi ng iba batakan ng plastic wood filler tulad ng ful-a-tite or kung anumang brand na a-tie yan. . Meron naman iba haluan daw ng patching compound o calciumine ang masilya tapos ibatak. Yung iba naman patuyuin ng bahagya ang sanding sealer at ibatak sa surface.
Ganito ang mga senaryo na magaganap pag nakinig ka sa mga nabangit na suggestion:
1. Pag binatak mo ng todo ang plastic wood filler, magreresulta ito sa tinatawag na blind pores, technically magsasara talaga ang mga betas pero pagnag- “toning” ka na ng kulay o kahit sa stain pa lang mawawala ang “exotic” effect ng kahoy. Simpleng salita, mukha nang fake. Hindi kasi kumakapit ang oil stain ng maayos sa plastic wood fillers.
2. Kung bahagyang tuyo na sealer naman ang ibabatak, maaaring mabura ang stain na inihagod mo. Kung maaari lamang pong tandaan, una inia-apply ang stain bago ang sealer. Pwede mo rin naman na ilagay ang stain pagtapos ng sealer, pero baklit? Pwera na lang kung gusto mong nakakakita ng mga hagod ng basahan sa finished product mo dahil FAUX GRAINING ang finish na requirement para sa ginagawa mong project.
Okay naman yang dalawang process pero kung kukuwentahin mo ang pagod at oras at gastos parang may mali.
Ang sanding sealer ay gawa sa cellulose. Masyadong scientific ipaliwanag kaya isipin na lang natin na parang jelly-ace lang yan. Nasa liquid form ang cellulose ng sanding sealer, mabilis matuyo at tumigas at madalas ay colorless. Pwede ito i-apply ng brush, basahan o spray. Spray pa rin ang pinakamabilis at maayos na paraan.
Ang tamang pagkakasunod sunod na grit ng liha.
Solid hardwood : 100, 120, 180, 220, stain.
Solid softwood at plywood/plyboard: 150, 180, 220, stain.
Bakit nagsisimula sa magaspang ang liha? Para maging FLAT ang surface. Kailan malalaman kung dapat na magpalit ng grit? Kaya tayo nagpapalit ng liha para burahin ang mga gasgas ng una nating ginamit. Hindi dahil trip mo lang. Paglumagpas ka pa sa 220 bago ka mag-stain, hindi na halos kakapit ang stain mo lalo kung dye ang component nito at hindi pigment.
Basahan ang pinakamagandang gamitin pang-apply ng stain. Pwede rin brush pero parang naglolokohan lang kayo ng project mo. Pagtapos mo gamitan ng brush hahagurin mo rin ng basahan. Sa mga sulok lang ginagamitan ng brush yan. Ingatan ang paghagod para hindi mamantyahan ang suot na damit. Magagalit ang tagalaba, at bababa ang antas ng pagiging woodworker natin. Dapat kahit anong trabaho lagi tayong pogi. Wag hayaan na may mantsang (tagalog ng stain) mabuo dahil paglapat ng sealer masagwa ang resulta. Punasan ng tuyo at malinis na basahan ang buong surface na nilagyan ng stain para matiyak na pantay ang lalapatan ng sealer natin.
Maraming klaseng sanding sealer. May lacquer base, water base oil base, polyurethane at may iba pa na hindi ako masyadong pamilyar. Limitado kasi sa Pilipinas ang mga produkto.
Sa topic natin ngayon magagamit nyo na ang spray gun set-up. Mga bata, 40psi max lang ang buga ng gun ha. May sasabihin din ako na alam ko na hindi kayang tanggapin ng lahat (sana meron kahit isa) huwag haluan ng LACQUER THINNER ang lacquer sanding sealer, lalabnaw. Sabi ng marami hindi daw lalabas sa spraygun. Talaga? 20 years na ako nagbubuga ng walang thinner at minsan 30psi lang gamit ko pag maliit ang piyesa. Dalawang patong ng sealer at patuyuin ng dalawang hanggang apat na oras. Lihain ng grit 320. Pwedeng 360 pero matagal. Pwedeng 400 pero mas matagal. Wag 280 lalabo ang sealer at kung sasamain, mabubutas ang sealer at lilitaw uli ang stain. Mas mabuti pang sumagot ka na lang ng English crossword o mag-aral ng aerospace engineering kaysa magremedyo ng nabutas na sealer. Lihain hanggang lahat ng betas ay magsara. Ulitin ng dalawang beses. Palm sander ang the best gamitin sa ganitong trabaho. Kailangan din na lagi kang may basahan na hawak, clean white cotton rag na loose, wag yung bilog, pot holder yan. Magpupulbos ang nililiha mo, paghinawi mo ng basahan makikita mo na may manipis na film na nakapatong sa ibabaw. Ibig sabihni tama ang ginagawa mo. Paghindi yan nagpulbos. Kulang pa sa pagkatuyo ang sanding sealer. Nasa Finishing department tayo, bawal ang mainip.
May dalawang paraan para isara ang butas ng pinagpakuan at mga maliliit na siwang ng dugtungan.
1. Timplahin ang plastic wood filler sa malapit na kulay ng finished product, oil tinting color ang pangtimpla. I-apply ito bago magliha ng 180.
2. Masilyahan ang mga kailangan bago magliha pag nakapag-apply na ng sanding sealer.
3. Tapusin muna ang pagliha ng sanding sealer at gamitan ng waterbased wood filler. Pwede gumamit ng calciumine na tinunaw sa acricolor. Patuyuin, lihain ng 360 hanggang pumantay at lumitaw ang mga guhit ng betas. Sarado na kasi, kaya guhit na lang.
4. Ganito ang hitsura ng ginagawa mo:
Yung drawing sa baba ang result ng maayos na application at sanding, flat surface, closed pores.
WAG MAGLALAGAY NG THINNER! Hindi totoo na magbabara ang spraygun mo. Sabi lang yan sinunod mo agad. Hindi mo pa naman nasusubukan.
Next topic na lang ang toning ng kulay at ang top coat. Pero kung hot na hot kayo pwede na top coat agad yan, anyway may stain naman na,.
HALUIN ANG SANDING SEALER BAGO APPLICATION, LALABO YAN MUNA PERO MALINAW ANG FINISH PRODUCT NYAN.
Originally published on Woodworker Philippines FB:
https://www.facebook.com/legacy/notes/1414902575294338/