Skip to Content

HIndi Lahat ng Beautician nasa Parlor

By Benjie Inocencio

Subukan naman nating maging mga beauticians. Hindi lang para sa mga buhay na rarampa sa Zagala o sa mga bangkay na maging presentable naman sa punerarya. Bilang woodworker, hindi sumasapat ang kaalaman natin na magbuo ng mga projects, kailangan din malagyan natin ng make-up ang mga ito.

Magpalit na ng work clothes, yung disente at maganda para naman hindi bumaba ang antas nating mga woodworkers. Kailangan laging mga pogi at magaganda. Makinis na ba ang mga surface ng projects ninyo? Nabitiwan na ba ang mga grit 320 sa sealer at 360 sa waterbase na masilya? Kung okay na mag color tone na tayo para magkaron na ng buhay ang projects natin. Remember: “Pag may Kulay, May Buhay.

Bilang lalaki, ang gusto ko sa babae yung simple lang at manipis mag make-up para lumulutang ang angking ganda at hindi ang mga masilya at penetrating stain sa mukha. Siguro naman alam na ninyo gaano kaganda ang misis ko.

Isang kulay lang ang tatalakayin ko, santambak ang mga kulay, nobela aabutin ng post na to pag inisa-isa natin yan. WALNUT muna.

Ito na “yata” ang pinakamadali sa lahat ng color toning. Dalawang tinting color lang ang kailangan dito, hansa yellow at burnt umber. Pagtapos natin burahin ng 360 ang lahat ng makintab na sanding sealer sa wood surface, ay pwede na mag-apply ng color tones. Kung may natitirang makintab pa ibig sabihin bukas pa rin ang betas na yun. Pakilagyan muna uli ng masilya na timplado sa malapit na kulay ng stain. Mapapansin ninyo na malabnaw ang kulay ng stain, ang mga betas lang ang maitim. Kaya tayo magto-tone ay para maging vibrant ang kulay. Boring pa kasi, wala pang excitement.

SHOP TIP: PWEDE DIN TIMPLAHAN AGAD NG TINTING COLOR ANG OIL WOOD STAIN PARA MAGKARON NG BODY AT HINDI MASYADONG MAPUTLA. MAS MAINAM KASING ILAPIT NA ANG COLOR NG STAIN SA FINAL SHADE PARA HINDI MATABUNAN MASYADO NG COLOR TONE ANG SURFACE. I-APPLY ITO BAGO MAG SANDING SEALER.

Enumerate natin ang steps para mabilis tandaan:

1. Preferably maliit na glass jar (mga 200-300 ml) ang ihanda para sa gagawin nating concentrate. Hindi naman tayo mga master kaya kailangan natin magtakal ng tinting colors. Ginagawa ko hanggang ngayon ang process na ito para makasigurado ako na ang walnut ko of a specific shade can be duplicated any time. This will save you time in guessing about the proportions. The idea is: gagawa tayo ng sarili nating tinting colors. Subukan mag mix ng burnt umber at hansa yellow with proportions of 5:1 respectively. Dagdagan nyo na lang ng parts kung gusto niyo mas dark or gusto nyo mas light.

2. Lagyan ng kaunting sanding sealer ang glass jar at haluin ng maigi hanggang pumantay ang mixture. Tantya lang talaga ito, at maaaring makabisado habang tumatagal. Takpan.

3. Maghanda ng mga 8-10 pcs ng puting papel, (white hpl ang ginagamit naming dahil marami ditong scrap sa shop at pwede naming hugasan ng thinner ara magamit uli) Ito ang gagamitin nating test surface.

4. Maghanda ng isang gallon na lata na bukas ang bibig, yung maluwag , wag pahirapan ang sarili sa pagsalin at paghalo. Dito sa shop, plastic na pitsel ang gamit namin para hindi natatapon pag sinasalin. 2liters ang pitsel namin, pang sanding sealer, Hindi pang beer. Bawal ang inuman sa work place para hindi bumababa ang antas nating mga woodworkers, sa grill and restobar kami umiinom. Hindi rin sa beerhouse, mahal naming ang mga asawa at anak namin.

5. Salinan ng sanding sealer ang pitsel, depende sa dami ng project, at lagyan unti unti ng tinimplang tinting colors. Haluin. Nasa inyo ang brand ng tinting colors. Sanay ako sa boysen, mabilis matunaw at dye ang gamit na coloring, hindi pigment tulad ng ibang mga brands. Malaking bagay ang pagkakaiba ng dalawang coloring agent at nadiscuss ko na iyon sa nakalipas na mga post.

6. Kunin ang papel at magpatak ng kaunti. Hagurin ng daliri ang patak para kumalat at tignan kung tama ba ang timpla sa gustong kulay. Kailangang itabi ang sample ng patak na ito para sa susunod na magtitiimpla ay may maging basis. Iba kasi ang kulay ng tinting color na basa (wet) kaysa sa manipis na nakahagod at tuyo na. Kung kulang ay dagdagan pa.

7. Magsalin ng 7/8 full na sanding sealer sa tangke ng spraygun. Itodo ang bukas ng ball valve ng compressor at ikasa sa 40psi ang air regulator ng gun. Ilagay sa pinakamalapad ang FAN adjustment ng gun. I-drain ang tangke ng compressor. Magkabit ng water/oil separator para makatiyak na hangin lang ang lalabas sa compressor.

8. Kumuha ng isa pang papel na puti at subukan magspray, 8 inches lang ang layo mula sa test surface. Tignan kung may maputlang kulay na brown na lumalabas. Tantyahin ang pagka-dark ng color tone. Pinakamabisa ang apat hanggang walong pasada bago makuha ang final color. Yun ay para maiwasan na “masunog” ang tone. Ganito ang mangyayari pag kinulang o lumagpas sa apat hanggang walong pasada:

A. Pagmasyadong maputla at lumagpas na sa walong

pasada, lalabo ang surface at magmumukhang fake ang

wood grains, hugas ka na nyan ng project.

B. Pagmasyadong dark ang tone ng wala pang apat na

pasada, “masusunog” ang tone at hindi papantay ang

mga parts ng surface na naging dark na mula pa sa

pagka-stain nito.

9. Kung sa tingin ay okay na ang tone, simulang mag-spray sa project. Wag masyado mabagal at wag din masyadong mabilis ang takbo. Wag lalapit ang spraygun ng sobra dahil guguhit ang kulay. Wag din masyadong malayo dahil 40psi lang ang pwersa, magbubutil-butil ang kulay. Ugaliin na paayon sa haspe ang direction ng spray. Importante ang bagay na ito.

10. Makikita mo na lulutang ang kulay ng tone pero hindi matatakpan ang haspe at mukha pa rin itong natural. Ang hinahabol kasi natin na “look” ng finish ay yung magmukha itong oil finish ng isang “exotic” na kahoy.

11. Pag naipantay na ang kulay ng project, hugasan ng lacquer thinner ang spraygun. Sadyang may light and dark parts ang natural na kahoy.

12. Magkarga ng sanding sealer sa tangke, Kung noon sa nakaraan kong post pinaalala ko na kailangan haluin ng husto ang sanding sealer sa pagsara ng betas, this time, hayaan lang ang malinaw na ibabaw ng sealer at kung maaari ay ingatan ang pagsalin at huwag kalugin upang hindi humalo ang pore filler sa ilalim ng lata. Magspray ng dalawa hanggang tatlong pasada, siguraduhin na basa ng sealer ang buong surface para sabay-sabay ang pagkatuyo.

13. Maghintay ng 2-3 hours, lihain ng grit 400 hanggnang wala nang makintab na sealer na makikita sa surface. Sundan ng grit 600 para burahin ang mga gasgas ng grit 400. Gumamit ng stockings na pansala sa spray gun. Kung siphon type, ilagay sa dulo ng flow pipe ng gun, kung gravity naman, ilagay sa thread ng fluid tank.

14. Tatlo ang basic glare ng top coat. Gloss, Matte, at Flat. Ang iba pang mga glares na pamilyar ako ay ang High-Gloss, Diamond, Satin Sheen (na malapit sa Matte), at orange peel textured. Sa unang tatlo muna tayo.

15. Para sa Gloss, magsalin ng Clear Gloss sa tangke ng gun at mag spray, walang thinner, walang flo. Clear Gloss kung dark ang tone, Water White kung Light ang tone.

16. Para sa Matte, 1 part unmixed sanding sealer at 1 part Dead Flat Lacquer, walang thinner, walang flo.

17. Para sa Flat Finish, 7 parts Dead Flat Lacquer at 1 Part unstirred Sanding Sealer. Walang thinner, walang flo. 8 inches ang layo ng spray gun sa lahat ng ito, sapat lang ang bilis ng byahe ng gun at 40psi lang ang pressure.

18. Pinakamainam magspray ng top coat pag 28 degrees centigrade pataas ang temperature, sa enclosed at malinis na lugar, yung hindi mahangin. Wag kalimutan magsuot ng mask para sa kalusugan at mas lalong nakaka tuberculosis ang pag-inom ng alak pagtapos mag spray. Ang nagsabi na panghugas daw ng lacquer sa lungs ang gin at ibang alak ay barnisador. Barnisador yun, hindi duktor. Pag tubo ang problema kumunsulta sa tubero, kung kuryente sa electrician, kung kalusugan sa duktor, hindi sa barnisador. Huwag nating hayaang bumaba ang pagkilala ng publiko sa atin bilang mga wood workers. WOOD WORKING is a NOBLE JOB, let us then be NOBLE.

Habang tumatagal, matututunuan ninyo ang paglalaro ng mga kulay, (kulay lang sana, wag apoy, nakakasira ng pamilya yan). Magkakaron kayo ng mga sariling techniques sa pagbarnis. Makikilala ninyo ang magkapatid na Raw at Burnt Sienna, Ang mga Hepatitis patient na sila sina French Yellow Chrome at ochre at Canary and Hansa Yellow, ang mga rosy cheeks na sila Tile, Venetian at Bulletin Red. At marami pang ibang kulay. Sigurado ako na kakailanganin ninyo lagi ang tulong ng superhero na si Lamp Black. Huwag matakot sa pag-experiment basta pangpractice. Napag-aaralan ang pagtitimpla ng kulay. Yun ang good news doon.

Ito lang ang kaya kong i-share, magkakaibang tao tayo, may kanya-kanyang panlasa. Sana makatulong ng husto ito sa inyong lahat at kung ano man ang kaya kong gawin sa larangan ng pagiging beautician, alam ko na mas marami pa sa inyo ang hihigit pa sa kapiraso kong nalalaman. Wala itong bayad, kaya please: PAY IT FORWARD.

Pag may mga makapagpost ng photo updates regarding sa mga projects nila through this method, lilipat tayo ng chapter about AUTOMOTIVE PAINTING or what everybody knows as DuCo Finish Painting.


Originally published on Woodworker Philippines FB:

https://www.facebook.com/legacy/notes/1414904581960804/