Alam ko marami ang nagagalit sa mga binibili nilang mga boards dahil sa undersize daw. Para sa inyong lahat ang article na to mga groupmates.
Plyboard…Undersized ka nga ba?
Kailan lang nagkaron ng thread tungkol sa thickness ng mga boards, specifically ang plywood. Bakit nga ba undersized ang mga plywood? Magkakasakit ka sa puso pag bumili ka ng plyboard tapos 11/16 lang ang makikita mong rerehistro sa Stanley mong metro. Masakit kasi nito nakagawa ka na ng cutting list at ibinawas mo na sa mga top and bottom ng cabinet mo ang uno medya. Patay kang bata. Short na ang mga pyesa mo lalo na kung apat na modules ng cabinet ang gagawin mo na pagtatabi-tabihin, short ng medya ang final length mo, lahat ng pinto mo malapad, wag na natin pag-usapan ang mga drawer ends at baka masunog mo pa ang local supplier na pinagbilihan mo.
Ang isa pang malaking problema, marine plywood ginamit mo dahil lagi kang nakakarinig sa mga lumang karpentero na pinakamatibay ang marine. Pagtapos mo maglaminate ng HPL nagtataka ka kung bakit may 1/16 na siwang ang gilid ng carcass mo mula sa pinto nito. Sobrang halata, kasi overlap ang ginamit mong bisagra. Pagbibintangan mo naman ngayon ang binili mong bisagra na local kasi. Bawal ka na naman kumain ng baboy, high blood ka na naman.
Nag-groove ka ng slot sa drawer side gamit ang ¼ na router straight bit, pag-slide mo ng binili mong ¼ na plywood na pang-bottom, gusto mo na ibalibag ang drawer box, maluwag, 3/16 lang ang pinangakong 1/4 ply . Isa na namang local supplier ang maa-arson. Doon ka na magdududa at susukatin ang plywood na medya…binagsakan mo ng metro...ayun…3/8, so sad. Bakit parang hindi magkakakilala ang mga boards at bits mo?
Wag ka na magtopak at maging open minded muna. Alam kong maghihimagsik ang kalooban mo sa mga mababasa mong kasunod, pero ito ang totoong dahilan bakit akala ng marami undersized ang mga boards.
Hindi totoong laging pinakamatibay ang marine plywood. Actually, glue ang water proof sa marine plywood, hindi ang veneer nito. Matibay lang talaga kumpara sa ordinary at plyboard pag dating sa mga moisture prone at wet conditions. Pwede talga gamitin ito sa paggawa ng Bangka. Kung sasabihin natin na matibay, kasi pwede gawing Bangka, bakit kailangan pa rin pinturahan ng epoxy paint? Kung kaya naman pala talga nito mabasa, wag na tayo gumastos para sa pagpintura, Enamel na lang.
Water-proof ang wood glue na ginagamit sa paglaminate ng mga plys ng marine para hindi maghiwa-hiwalay ang mga ply nito. Water resistant glue ang nakalagay naman sa mga ordinary at plyboards. In any which way, basta maganda ang brand ng mga boards na ito makakasigurado tayo na matibay ang lahat ng ito, lalo na kung alam natin kalian dapat at hindi dapat gamitin. Ang mga brand na Agusan at Uni ang mga magagandang halimbawa ng matitibay at maaayos na boards. Meron pa ring ibang mga brands tulad ng Sta. Clara at Zambo that is to name a few more.
Matibay ang plywood sa mga patayong pyesa tulad ng Cabinet sides, partitions at cabinet doors. Medyo mahina ang mga ito pagdating sa mga mahahabang shelves at cabinet tops na masyadong malayo ang mga partitions. Importanteng gamitin ito sa buong sink base module dahil prone itong mabasa. Dapat din itong material ng module para sa range hood wall cabinet dahil sa tumatanggap ito ng init. Normal na pag subjected sa init mula sa rangehood ang board, magkakaron ng moisture ito. Kailangan din itong gamitin sa lahat ng bathroom modules tulad ng under sink or lavatory cabinet at bathroom dressers. Subjected kasi for wet condition ang mga cabinets na ito. Ordinary plywood naman ang tamang gamitin para sa ibang bahagi ng kitchen cabinet modules. Economics ang dahilan bakit kailangan natin gamitan ng marine at ordinary for cabinet carcasses and/or doors. Pero Hindi ito ideal gamitin kung papatungan mo ng laminate.
Kung laminated ng HPL ang isang cabinet, ang pinakatamang gamitin ay plyboard. Hindi undersized ang plyboard. Ginawa ito para pagnaglagay ng laminate ay sumampa sa eksaktong 3/4 ang thickness o malapit doon more or less. 18mm ang sukat ng plyboard, pag-laminate mo ng dalawang HPL (0.6mm) magiging 19.2, parehas ng thickness ng Automotive paint at lacquer varnish pag naapply sa plywood. 19.5mm ang final tolerance ng mga concealed hinges. Pag marine at regular plywood ang ginazmit na pinto na babalutan ng laminate magiging 20.25mm ang thickness ng cabinet door. Yan ang dahilan bakit may siwang na +1mm ang pinto mula sa carcass.
Noong unang lumabas ang mga modular, wala pa ang mga 18mm na boards kaya nakasanayan na sabihin ng mga karpentero nan undersized na ang mga boards ngayon. Pero naging problema ng modular world ang thickness ng standard ¾ dahil kumakapal pag naglalagay ng HPL. Para magawan ng paraan ng mga manufacturer ng concealed hinges ang mga bisagra nila, naglabas ang BLUM ng door bumper. Isa itong silicon plastic na idinidikit sa likod ng pinto para pumantay ang sara. Di bale na nga namang may siwang paikot sa carcass ang pinto kaysa naman lapat ang handle side at angat ang hinge side. Nakapasok na ang millennium ng maiadjust ng mga manufacturers ang mga bisagra nila. Wala na halos gumagamit ngayon ng mga door bumpers bukod lang sa mga OC na end user para daw hindi maingay pag sumasara. Kahit naman lagyan mo maingay pa rin eh. Mas tamang gumamit ng mga hydraulic na concealed hinges kung ayaw nila ng tunog.
5mm lang talaga ang ¼ na plywood para pagnilagyan mo ng hpl ang isang mukha, hindi ito magiging maluwag sa 1/4 na straight bit. Ganun din ang medya na plywood. Pagnilagyan mo ng laminate kabilaan hindi ka mahihirapan mag-slide sa groove ng ½ na straight bit. Saktong ¾ ang dalawang medya na plywood pag nag-laminate ka kung gagawa ka ng interior module ng cabinet, pagpinagtabi mo uubra ang dalawang half lap o party wall hinges. Magiging maluwag ang gap kung ang medya ay talagang medya tapos nilaminate mo pa. Lagpas na ng uno yun eh 3/8 lang ang tolerance ng half lap.
Sa Europe, hindi na English o imperial units ang gamit, metric na ang adapted units of measurements. Ibig sabihin, millimeters na, hindi na inches. Doon kasi binase ng mga hardware manufacturers ang mga sukat nila especially ang mga hinges. Dito sa shop namin, millimeters na rin ang gamit namin. Mahirap gumamit ng inches kung mdf ang iba mong piyesa. Kung susuriin ng husto, ang mdf at plyboard ay parehong 18mm. Ang mga boards kasing ito ang ginagamit talaga para sa modular pieces, hindi marine o ordinary plywood. Pwede din naman gumamit ng mdf at plyboard kung paint o varnish ang finishes. Nag-anticipate na ang mga hardware manufacturers na maaaring gamitin ang mga modern concealed hinges para sa mga cabinets na 15 to 20mm thick boards. Naglabas na ang Salice brand at Blum ng mga bisagra na kaya ang 1” na cabinet door, bad thing is hindi naman umuubra sa ¾ or less ang thickness, lagi tuloy walang stock pag bumili ka dito sa Pilipinas. Who cares? Anyway, Hindi pa rin naman uso ang 1” thick cabinet door dito sa atin.
Kaya next time, bago umusok ang ilong mo sa galit dahil sa pag-aakalang undersize ang nabili mong board, kalma lang.
*sobrang lapit na ng mga mm-inches sa ginawa kong conversion. May maliliit na kaibahan, mga 1/64 siguro, pagbigyan nyo na ako at baka ako ang atakihin sa puso hindi na ako makapagsulat ng mga tips para sa inyong lahat.
Originally published on Woodworkers Philippines FB Page: https://www.facebook.com/legacy/notes/1518314168286511/